Tanaw na Kawalan: Isang sesyon sa Batasan sa mga mata ng isang Moro

25 Mar

Sa unang tingin sa Session Hall ng Batasang Pambansa, madali itong maihahalintulad sa isang arena. Ang bulwagan ay pabilog, malawak at may mataas na kisame.

Kinabubuuan ito ng apat na baitang. Ang unang palapag ay para sa mga kongresista at ang kanilang mga panauhin. Ang pangalawa naman ay para sa mga mamamahayag, at ang pangatlo at pang-apat ay para sa iba pang manonood.

Para kay Kim Matsura, isang seaman tubong Cotabato, makatuwiran lang na ipagpalagay na ang 286 na kongresistang naihalal sa arenang ito ay nakikilahok sa labanang intelektwal. Umasa siyang kahit papaano ay aktibo silang nakikipagtalastasan tungkol sa pampublikong patakaran.

Kaya naman ganoon na lamang ang gulat niya at ng kanyang mga kasamang aktibista mula sa iba’t-ibang pulo ng Mindanao sa una nilang pagtapak sa Session Hall noong ika-22 ng Marso.

Namataan nila ang ilang kongresista na palibut-libot sa bulwagan at nakikipag-usap sa telepono o sa iba nilang mga kasama.

Ang iba naman tulad nila Congresswoman Imelda Marcos ng Ilocos ay nanatili sa kanila-kanilang mga lamesa na pinalamutian ng maka-ilang talampakan ng hindi naasikasong papeles.

Halos kalahati lamang sa mga kongresista ang dumalo sa sesyon, at iilan sa kanila ay nahuli pa nang dating. Kapansin-pansin din ang mga designer handbag ng mga babaeng kongresista at ang mga nagmamahalang sasakyan sa garahe ng kongreso.

Tinitutulan nila Matsura ang pagpasa ng House Bill 4146, na naglayong ipagsabay ang eleksyon sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) sa pangkalahatang lokal na eleksyon sa Mayo ng 2013. Ang orihinal na petsa ng botohan sa ARMM ay sa ika-11 ng Agosto ngayong taon.

Dalawang oras na nagdaos ng rally ang kanilang grupo ng mga Bangsamoro sa bungad ng Batasan. Pumasok sila sa Session Hall bandang alas singko ng hapon upang obserbahan ang pagtalakay ng HB 4146 sa plenaryo.

Isa sa mga probisyon ng resolusyon na mariing tinututulan ng mga Bangsamoro ay ang pagtalaga ng mga “transitionary leaders” ni Pangulong Benigno Aguino III sakaling mapasa ito. Pansamantalang mamumuno ang mga ito sa lahat ng elektibong posisyon sa local na pamahalaan hanggang sa eleksyon sa Mayo 2013.

Miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) si Matsura. Aniya, sumapi siya sa naturang militanteng grupo nang matunghayan niya mismo ang pagkamatay ng kanyang mga magulang at iba pang sibilyan sa isang crossfire.

Ang presidente bilang diktador?

“Idolo namin ang kanyang ina na si dating pangulong Cory Aquino. Sana lang matularan niya ang halimbawa nito,” ani Matsura tungkol sa kasalukuyang presidente.

Ang HB 4146 ay tinalakay sa plenaryo ng sponsor nitong si Congressman Elpidio Barzaga ng Cavite. Uminit ang usapan nang binusisi ni Congressman Antonio Tinio ng ACT Teacher party-list ang naturang panukala.

Kinuwestiyon ni Tinio ang kapangyarihan ng presidente na magtalaga ng mga opisyal gayong dapat raw ang mamamayan ang naghahahalal sa kanila. Dinagdag pa niya na ang ganyang klase ng sapilitang pamamahala ay gawain ng isang diktador.

Taimtim na pinakinggan ni Matsura ang interpellation ng dalawang kongresista. Hindi daw siya gaanong matatas sa Ingles, ngunit nasusundan naman daw niya ang daloy ng kanilang debate.

Ayon kay Matsura, simple lang naman daw ang mithiin nilang mga Moro – ang maibalik ang kapayapaan at maiwasto ang namamayaning sistema ng palakasan at dahas sa pulitika.

Wala man silang armas pagpasok ng Session Hall, umaasa silang ang kanilang presensya ay sapat na paalala sa mga kongresista na handa silang ipaglaban at ipagtanggol sa anumang arena ang kanilang karapatan sa mapayapa at matiwasay na pamumuhay.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: